12 mediamen pinaslang sa 20 buwang termino ni PNoy
MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng 20 buwang panunungkulan ni Pangulong Aquino ay umaabot na sa 12 mamamahayag ang pinaslang na higit na mas marami kumpara sa 3 taong termino ng predecessor nitong si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Ito ang ipinalabas na pagkabahala kahapon base sa istatistika ng National Press Club (NPC) at ng Alyansa ng Filipinong Mamamahayag (AFIMA) na tumututok sa mga kaso ng pinaslang na mediamen.
Ayon kay NPC Press Freedom Committee Chairman Joel Egco, nalagpasan rin ng administrasyon ni PNoy ang kaso ng mga pinatay na mediamen ang mga dating rehimen ng mga naging Pangulo ng bansa na kinabibilangan nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at maging ng ina nitong si Corazon Aquino.
Sa ilalim ng administrasyong Arroyo, sinabi naman ni NPC President Jerry Yap na limang mediamen ang napatay sa dalawang taon ng termino nito.
Ayon sa NPC officials, sa loob lamang ng 20 buwang panunungkulan ni PNoy ay nasa 12 mamamahayag na ang napatay ang pinakahuli ay si Christopher Guarian, broadcaster ng RMN sa General Santos City at publisher ng isang lokal na pahayagan.
Sinabi ni Egco na kung gaano kapursigido si PNoy sa pagsawata sa korapsyon sa gobyerno ay dapat na maging prayoridad rin nito na resolbahin at pigilan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na karaniwan ng nasa likod ng mga pagpatay sa mamamahayag.
- Latest
- Trending





















