Alert level 3 itinaas na sa Iraq
MANILA, Philippines - Pinapalikas na ng Malacañang ang mga natitirang OFWs sa Iraq sa gitna ng nangyayaring kaguluhan doon matapos itaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa level 3 ang alert status sa naturang bansa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, sasagutin ng gobyerno ang expenses ng mga OFWs na boluntaryong uuwi ng bansa.
Personal na nagtungo si DFA Sec. Albert del Rosario sa Gitnang Silangan at inirekomenda nito na itaas sa level 3 ang alert status sa Iraq dahil sa tumataas na ‘terrorist at sectarian violence’ matapos ang withdrawal ng US troops sa nasabing bansa.
Ayon sa record ng DFA, tinatayang nasa 129 Pinoy ang nasa bahagi ng Kurdish region habang 279 naman ang mga documented OFWs na nasa ibang bahagi ng Iraq.
Sa ilalim ng alert level 3 status ay ipapatupad ng gobyerno ang voluntary repatriation ng mga OFWs na nais nang umuwi ng Pilipinas.
Ang alert level 3 status ay itinaas sa lahat ng rehiyon sa Iraq maliban sa northern autonomous region ng Kurdistan na malapit sa boarder ng Turkey.
Dahil sa alert level 3 status sa Iraq ay awtomatikong ipinagbabawal din ang deployment ng mga Pinoy sa nasabing bansa.
Nagsimula ang kaguluhan sa Iraq noong Disyembre 2011 matapos umalis na ang US troops sa nasabing bansa.
- Latest
- Trending















