Early registration ng DepEd tuloy pa
MANILA, Philippines - Bukas pa ang lahat na paaralan sa bansa para bigyan daan na maiparehistro ang mga batang hindi nakapagpa-enrol sa Early Registration noong Sabado, Enero 28.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, upang hindi magkaroon ng aberya sa susunod na pasukan o enrollment 2012-2013 ay hinihikayat nila ang mga magulang na dalhin at ipalista na ang kanilang mga anak.
Anang kalihim, ang tuloy-tuloy na enrollment ay upang madetermina nila ang mga pangangailangan ng mga silid aralan, textbook, guro at iba pang gamit sa eskuwelahan.
“Ang nangyayari kasi, kapag hindi naiparehistro bago magpasukan, doon nagkakaroon ng problema dahil hindi naisasama sa planning natin tulad sa pagbili ng mga textbook at upuan gayundin kung saan ilalagay na silid-aralan,” diin ni Luistro.
Inihayag naman ni Assistant Secretary for Plans and Programs Elena Ruiz, na may ‘consequence’ na ang mga late registrants.
Ang mga hindi nakapagpatala noong Sabado ay maaaring hindi na masunod ang kanilang kagustuhan o preference na paaralan, halimbawa kung puno na ang paaralan na malapit sa kanila, malamang dalhin sa ibang paaralan, sabi ni Ruiz.
- Latest
- Trending