MANILA, Philippines - Humingi ng paumanhin si Presidential Political Adviser Ronald Llamas sa Aquino government dahil sa pagkakasangkot niya sa pagbili nito ng pirated DVDs.
Sinabi ni Sec. Llamas na pinili niyang manahimik muna nang pumutok ang kontrobersya bilang paggalang kay Pangulong Benigno Aquino III.
“It was the most prudent thing to do in light of the inquiry that the Executive Secretary has launched,” aniya.
“I didn’t want the government to expend its energy over regretful incident and so I submitted to the process that was launched and I am ready to face the findings and recommendations of the inquiry,” dagdag pa ni Llamas.
Isinumite na rin ni Llamas ang kanyang written explanation sa kanyang pagkadawit sa kontrobersyang pagbili umano niya ng mga pirated DVD na may halagang P2,000, sa Quezon City nitong nakaraang linggo.
Sa isang-pahinang written explanation, sinagot ni Llamas ang mga paratang na nakasaad sa memorandum na inihain ni Executive Secretary Paquito Ochoa nitong Enero 27. Ayon sa isang staff ni Llamas, desisyon ni Ochoa kung ipalalabas ito sa media.
Sa memorandum na inilabas nitong Enero 27, ni Executive Secretary Ochoa kay Llamas na “explain in writing within five days from receipt hereof why no administrative disciplinary proceedings should be taken against you.”
Si Ochoa ang inatasang mamumuno sa imbestigasyon laban kay Llamas, ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte.
Lumabas ang kanyang paliwanag limang araw matapos lumabas sa national broadsheet ang retratong nagpapakita sa pagbili ni Llamas ng mga pirated DVD sa isang stall sa Circle C mall sa Quezon City.
Hindi ito ang unang pagkakataong nadawit sa kontrobersya si Llamas. Nitong nakaraang taon, mayroong isang high-powered assault rifle na natagpuan sa SUV ni Llamas matapos ang isang road accident sa Quezon City.