JPE at Drilon nagkakairingan

MANILA, Philippines - May namumuo uma­nong “tampuhan” sa pagitan nina Senate impeachment court presiding officer at Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Franklin Drilon kaugnay sa takbo ng pagdinig sa impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Nabatid na dismayado umano si Sen. Enrile sa ulat na kinukumbinsi raw ni Sen. Drilon ang kanyang mga kasamahang senador na “ma-overturn” ang desisyon ng una noong isang linggo patungkol sa umano’y ill-gotten wealth ni Corona.

Bagaman tinanggap daw ni Drilon ang desis­yon, sinabi ng sources na “ginagapang” naman umano nito ang mga kasamahan upang buhayin ang isyu at muling mapag-usapan ng impeachment court nga­yong linggo.

Ilan umano sa mga senador na “sinusuyo” ni Drilon sina Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, Allan Peter Cayetano, Teofisto ‘TG’ Guingona, Panfilo Lacson, Serge Osmeña, Edgardo Angara, Francisco Pangilinan at Francis ‘Chiz’ Escudero.

Magugunita na noong Huwebes ay nagpasya si Enrile na huwag payagan ang prosekusyon na magprisinta ng ebidensiya sa umano’y tagong yaman ni Corona dahil “depek­tibo” ang presentasyon ng reklamo sa Article 2.4 ng impeachment complaint.

Una rito ay ipinunto ni Enrile na “very liberal” ang korte sa presentasyon ng ebidensiya hinggil sa SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth) ni Corona na nakasaad sa Article 2.2 at Article 2.3 ng reklamo subalit hindi ito puwede sa Article 2.4 dahil nga mali ang pagkagawa ng reklamo.

Minsan nang nagpahaging si Enrile na alam niyang may mga mambabatas na “kumikiling” sa magkabilang panig nang sabihin nitong nakahanda siyang bitawan ang kanyang posisyon bilang impeachment court presiding officer sa sino mang senador na interesado sa posisyon.

Ang pahayag ni Enrile ang nagtulak naman kay Sen. Manuel Villar upang ideklara na buo ang suporta at tiwala ng mayorya ng Senado sa kanyang liderato.

Samantala, nakatakdang talakayin ng mga senador ang petisyon ng depensa na mag-inhibit o huwag nang payagang makalahok pa si Drilon sa impeachment court dahil umano sa “partiality” nito sa panig ng prosekusyon.

Sinasabing ang “pakikialam” umano ni Drilon sa pagdinig noong Enero 17, ang naging susi upang makakuha ang prosekus­yon ng kopya ng mga SALN ni Corona mula kay SC clerk of court Enri­queta Vidal.

Show comments