MANILA, Philippines - Posible pa ang isang special election sa Negros Occidental para sa kapalit ng pumanaw na kongresistang si Ignacio “Iggy” Arroyo.
Nilinaw ito ni Commission on Elections Commissioner Rene Sarmiento, kasunod ng isyu kung maaring magdaos ng halalan sa kabila ng 18 buwan na lamang para sa May 2013 midterm elections.
Anang opisyal, nakasaad naman sa Republic Act 7166 (An act providing for synchronized national and local elections and for electoral reforms, authorizing appropriations therefor, and for other purposes.) na maaari pang magsagawa ng special election dahil mahigit isang taon pa bago ang susunod na eleksiyon.?Sa nabanggit na Synchronized Election Act of 1991, sakaling magkaroon ng permanent vacancy sa House of Representatives kinakailangan magsagawa ng special election isang taon bago ang expiration ng termino ng hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalagpas ang 90 araw.
Kasabay nito, sinabi ni Sarmiento na sa oras na matanggap na nila ang resolusyon ng Kamara na nagdedeklara ng vacancy sa posisyon ay saka nila ito tatalakayin sa en banc session.
Pagkatapos nito, saka aniya pagdedesisyunan kung magsasagawa ng special election at kung kailan ito isasagawa.