22 Pinoy sa sumadsad na barko sa Netherlands, ligtas

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa ligtas nang kalagayan ang may 22 tripulanteng Pinoy lulan ng sumadsad na barko matapos na masabak sa umano’y magdamag na bagyo sa Wijk Aan Zee, Netherlands.

Ang pagkakasagip sa mga Pinoy seamen kabilang ang kapitan ng Filipino cargo ship MV Aztec Maiden ay iniulat ng shipping company ng mga tripulante sa Embahada ng Pilipinas sa The Hague matapos ang insidente noong Biyernes ng umaga.

Ayon sa ulat, matapos ang 17 oras ay matagum­pay namang nadala noong Sabado ng hapon matapos na ma-tow ang MV Aztec Maiden papuntang coastline ng Wijk Aan Zee o may 20 milya ang layo sa Amsterdam.

Unang nabigo ang mga towing tugboats na mahila ang barko bunsod ng matinding hangin at malalaking alon  na naging dahilan upang maputol ang mga tali na humihila dito hanggang sa huli ay tuluyang nahila ito patungong Limuidin Port.

Nagsagawa ng matinding inspeksyon sa barko bago ito tuluyang nadala umano sa pantalan.

Show comments