'Taglish' sisimulan ngayon sa impeachment trial

MANILA, Philippines - Sisimulan na ng prosecution team na gamitin ang salitang Filipino sa muling pagsisimula ng impeachment trial ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona ngayong araw.

Sinabi nina Aurora Rep. Sonny Angara at Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) party list Rep. Sherwin Tugna,tagapag salita at miyembro ng prosekusyon, simula ngayong araw ay magsasalita na ng tagalog ang prosekusyon upang mas lubos na maintindihan ng publiko ang mga nangyayari.

Bagamat mahirap din umanong itagalog ang ibang mga legal na termino ay pipilitin pa rin nila itong ipaliwanag sa mas mababaw na salita kung saan kahit ang sinong ordinaryong tao ay maiintindihan ito.

Paliwanag pa ng mga mambabatas, isa sa maari nilang gawing Filipino ay ang paraan ng pagtatanong sa mga testigo gayundin ang pakikipag debate sa depensa.

Ang reaksyon ng mga mambabatas ay kaugnay sa mungkahi ni Malolos bishop Jose Oliveros na ang dapat gumamit ng Filipino ang mga abogado,Senator-judges upang mas maintindihan ito ng publiko ang pagdinig sa impeachment trial.

Samantala, ilang senator-judges din ang pabor sa paggamit ng Filipino sa impeachment trial.

Sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile, pabor siya sa mungkahi na gawing tagalog ang pagdinig ng impeachment court pero posibleng mahirapan sa pagsasalin sa Filipino ang ilang terminong legal at teknikal.

Show comments