MANILA, Philippines - Nagtala ng bagong rekord ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nang kumita ng pinakamataas na P36.65 bilyon nitong buong taong 2011.
Sinabi ni Pagcor chairman Cristino Naguiat Jr. na mas mataas ito ng P5.19 bilyon o 16.52% kumpara sa P31.46 bilyon na kinita nito noong taong 2010 sa ilalim ng lumang pamamahala.
Ipinagmalaki pa ni Naguiat na inumpisahan nilang basagin ang rekord ng kita ng PAGCOR sa isang buwan nitong Mayo (P3.03 bilyon), Hunyo (P3.05 bilyon), Hulyo (P3.10 bilyon), Agosto (P3.11 bilyon), Setyembre (P3.34 bilyon, bago itala ang pinakamataas ngayon sa kasaysayan na P3.50 bilyon nitong nakaraang Disyembre.
Sinabi nito na nakamit nila ngayon ang pinakamataas na kita ng PAGCOR sa agresibong kampanya para mapataas ang kalidad ng kanilang mga laro at pagiging praktikal sa marketing kung saan nakatutok sila sa pag-engganyo sa mga dayuhang manlalaro.
Nakadagdag pa sa kita ang mataas na performance ng mga lisensyadong pribadong ca sino, poker clubs, e-games, at commercial bingo. Kumita sila dito ng P11 bilyon nitong 2011 na higit ng P2 bilyon sa kita noong 2010.