MANILA, Philippines - Itinanggi kahapon ni Senator-Judge Franklin Drilon na nag-abogado siya pabor sa prosekusyon matapos mapiga kamakalawa ang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni Chief Justice Renato Corona mula sa clerk of court ng SC na si Atty. Enriqueta Vidal na unang iniharap na testigo ng prosekusyon sa impeachment trial.
Ayon kay Drilon, ginawa lamang niya ang kaniyang tungkulin upang lumabas ang katotohanan sa dinidinig na Article of Impeachment tungkol sa SALN ni Corona.
Naglabasan ang intriga laban kay Drilon matapos itong tumayo kamakalawa kung saan napaamin niya si Vidal na dala nito ang mga dokumento o SALN ng chief justice na kabilang sa mga ipina-subpoena ng impeachment court.
Matatandaan na nabigo ang pribadong abogado ng prosekusyon na si Atty. Mario Bautista sa isinagawang direct examination na paaminin si Vidal na dala nito ang SALN ni Corona na naging dahilan naman upang tumayo at magtanong si Drilon.
Ikinatuwiran ni Drilon na may karapatan silang mga senador na magtanong sa bawat testigo at kahit na sa mga abogado ng prosekusyon at ng depensa.
Maging si Senate President Juan Ponce Enrile ay naniniwalang walang nilabag sa impeachment rule si Drilon sa ginawa niyang pagtatanong kay Vidal at pagpapaamin dito na dala ang SALN ni Corona na kabilang na sa mga minarkahang ebidensiya sa impeachment trial.