MANILA, Philippines - Binatikos ni Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano ang mga Cojuangco-Aquino at mismong si Pangulong Benigno Aquino III bilang pangunahing hadlang kung bakit hindi pa rin maibigay ang mga lupain sa Hacienda Luisita kahit pa may desisyon na ang Korte Suprema.
Sinabi ni Rep. Mariano, ang banta ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) management na magsasampa ng motion upang hilingin na mag-inhibit si Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa kaso ng Hacienda Luisita na dinisisyunan noong nakaraang taon ng Korte Suprema na ipamahagi na sa mga magsasaka.
“Pinatotohanan lang ngayon ng HLI at ng mga Cojuangco-Aquino ang intensyon na magtayo ng isang “Aquino Supreme Court” para makontrol ang Kataas-taasang Korte at mapawalambisa ang desisyon na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka,” sabi ni Mariano.
Ayon kay Mariano, hinahayaan lang ni PNoy na harangin ng HLI at ng mga Cojuangco-Aquino ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupa.
“Katakut-takot na petisyon, motion ang isinampa ng HLI para i-delay ang pagpapatupad ng desisyon. Bukod dito, tinatakot at hina-harass din ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita,” wika pa ng kongresista.
Matatandaan na noong Nobyembre 22, 2011, sa botong 14-0, ipinag-utos ng Korte Suprema na ipamahagi na ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga orihinal na farmer-beneficiaries at ipawalambisa ang Stock Distribution Option ayon sa 2005 desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC).
Bukas, Enero 20, magsasagawa ng martsa-rali ang mga magsasaka bilang paggunita sa ika-25 taon ng Mendiola Massacre na naganap noong Enero 22, 1987 sa ilalim ng administrasyon ni Cory Aquino.
“Kahit gumagawa ng mga pamamaraan ang HLI at mga kamag-anak ng Pangulo, patuloy na igigiit ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang karapatan nila sa lupa.”