Ombudsman ang bahala sa SC loan probe - Palasyo

MANILA, Philippines - Pabor ang Malacañang na ipaubaya na lamang sa Ombudsman ang pag-iimbestiga sa sinasabing maling paggastos ng Korte Suprema sa ipinautang dito na $2.9 milyon para sa Judicial Reform Support Project (JRSP).

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, wala silang pagtutol sa naging pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na huwag isabay ang imbestigasyon sa WB loan ng SC sa ginaganap na impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Wika ni Sec. Lacierda, dahil maling paggamit ng pondo din ito ay puwedeng ang Ombudsman na ang magsagawa ng imbestigasyon dito.

Nilinaw din ni Lacierda na hindi pipigilan ng Palasyo kung nais ng Kamara o Senado na magsagawa ng im­bestigasyon sa sinasabing $2.9 milyon loan ng SC sa WB.

Iginiit pa ng tagapagsalita ng Malacañang, hindi nagmula sa kanila ang paglalabas ng nasabing WB report kasabay ang pagsasabing hindi ito peke bagkus ay orihinal na WB memo.

Show comments