MANILA, Philippines - Napatunayang epektib ang slogan ng Department of Tourism na “It’s more fun in the Philippines matapos mapili ang Pilipinas bilang ika-walong “friendliest country” sa resulta ng HSBC Expat Explorer Survey.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigal Valte, pinatutunayan lamang ng nasabing survey na hindi gobyerno ang nagtaas sa bansa bilang ika-8 sa “friendliest country” kundi ‘third party assessment’.
“We’re also happy to note that in one of the surveys conducted by HSBC, the Philippines ranked as one of the… the eighth friendliest country out of most of the countries rated in the world. And this is why we believe na talagang it really is more fun in the Philippines,”sabi ni Valte.
Sa nasabing survey, tinanong ang nasa 3,385 expats sa 100 bansa sa mundo kung saan naging pang-walo ang Pilipinas.
Ang ranggo ng mga bansa ay ibinatay sa mga sumusunod na kategorya: kakayahan na makipagkaibigan sa mga locals o mamamayan; tagumpay sa pag-aaral ng lengguwahe ng mga locals; kakayahan na makisalamuha at pagiging kampante sa bagong kultura.
Ayon pa sa survey, ang Pilipinas ay isang bansa ng “friendly wallets” kung saan marami sa mga “expatriates” ang nagkakaroon ng access sa mga luho o luxuries kabilang na ang domestic staff, swimming pools at nagkakaroon pa sila ng properties.
Ang New Zealand naman ang nanguna sa survey kung saan nakakuha ito ng pinakamataas na puntos sa apat na nabanggit na kategorya.