MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na “documented” ang OFW na isinilid sa maleta at natagpuan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Centennial 2 pay parking area noong Enero 11.
Ayon kay Rey Tayag, OWWA information officer, nasa listahan ng mga miyembro ng OWWA si Nidzailyn Jumahadi Bahjin, 22-anyos, tubong Patikul, Sulu at entitled siya sa lahat ng benepisyo na nakalaan sa mga miyembro at kanilang pamilya
Sa panayam kay Tayag, inihahanda na nila ang P220,000 halaga ng tseke para sa pamilya ni Bahjin, P200,000 dito ang insurance at P20,000 para sa burial expenses nito
Sa rekord ng OWWA, si Bahjin ay umalis sa bansa noong lamang Oktubre 6, 2011 patungong Bahrain at nagtrabaho bilang kasambahay.
Una nang sinabi ng ama ng biktima na si Nidzmar Bahjin na inasahan nilang darating ang biktima sa Manila mula Manama, Bahrain dakong alas-4 ng hapon noong Martes sakay ng Gulf Air flight-GF156 subalit hindi na nila naantay ito hanggang sa umabot ang balita na siya ang nakasilid sa maleta.
Karaniwang umaabot sa dalawang taon ang kontrata ng isang kasambahay bago siya bumalik sa Pilipinas subalit ilang buwan lamang ang biktima ay umuwi na ito na hinihinalang nagkaroon ng problema at minamaltrato ng kanyang employer.