MANILA, Philippines - Sinuspinde na ni Pasay City Regional Trial Court branch 112 Judge Jesus Mupas ang kasong “direct contempt” na isinampa nito laban kina dating Commission on Elections chairman Benjamin Abalos at abogado nitong si Atty. Brigido Dulay.
Ito’y makaraang mag-isyu na ang Court of Appeals ng 60-araw na temporary restraining order (TRO) sa naturang kaso makaraang magsampa sina Abalos at Dulay ng “petition for certiorari” sa CA.
Sinabi ni Felda Domingo, tagapagsalita ng Pasay RTC branch 112, na binawi na rin ni Mupas ang inilabas na warrant of arrest laban sa dalawa makaraang magpiyansa rin sa CA ang mga ito.
Matatandaan na nag-ugat ang kasong contempt na isinampa ni Mupas kina Abalos at Dulay nang hingin ng dalawa na mag-inhibit sa kaso ang huwes matapos na dalawang nagpakilalang abogado umano ang lumapit sa kanila at manghingi ng hindi bababa sa P10 milyong halaga ng salapi para paboran ng korte ang kanilang panig.
Una nang nagpahayag ng kumpiyansa si Dulay na hindi maipapakulong ni Mupas dahil sa handa umano siyang iakyat hanggang sa Korte Suprema ang usapin.
Nagsasagawa naman ng sarili nilang imbestigasyon ang Integrated Bar of the Philippines upang makilala umano kung sino ang dalawang abogado na nagpakilalang sina Atty. Jojo Desiderio at Atty. May Mercado na mga emisaryo umano ni Mupas at nangikil ng pera kina Abalos.