MANILA, Philippines - Ibinalik na kahapon ng umaga ng Estados Unidos ang US$100,000 na tseke o katumbas ng mahigit sa P43.3 milyon na nakumpiska sa mga anak ni dating AFP comptroller at retired M/Gen. General Carlos F. Garcia sa isang simpleng seremonya sa tanggapan ng Ombudsman.
Si US Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas, Jr. ang personal na nag-abot ng tseke kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Ang naturang pondo ay itinuturing na nakaw matapos aminin ng dalawang anak ni Garcia ang kanilang tangkang pagpupuslit ng pera nang maharang ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) agents noong November 2003.
Noong 2010 ay hiniling ng Ombudsman sa US na ibalik ang pera sa Pilipinas sa ilalim ng US-Phl Mutual Legal Assistance Treaty.
Ayon naman kay Thomas, commitment ng Amerika na suportahan ang anti-corruption campaign ng Aquino administration at ang pagbabalik ng natu rang halaga ay simbolo umano na anumang nanakaw na yaman ay dapat na maibalik sa tunay na may-ari at ito ang gobyerno ng Pilipinas at mamamayan.
Bunsod nito, personal namang pinasalamatan ni Morales ang hakbangin ng Amerika sa pamamagitan ni Thomas.
Si Garcia kasama ang kanyang asawa ay nahaharap sa kaso dahil sa pagsisinungaling sa pagdeklara ng Statement of Assets and Liabilities and Net (SALN) worth noong taong 2002 at 2003.
Sinasabing nagkamal ng malaking halaga ng salapi si Garcia noong ito pa ay comptroller ng AFP.