MANILA, Philippines - Inutos na ni Pangulong Aquino ang pagpapasara sa mga illegal small scale mining at maging ng mga lisensyadong mining company sa Brgy. Napnapan, Pantukan sa Compostela Valley kasunod ng landslide sa lugar na pumatay na ng 28 katao.
Tiniyak din ng Malacañang na mananagot ang mga lokal na opisyal ng Compostela Valley na nagpabaya sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigal Valte, hindi na dapat maulit ang nasabing trahedya kung saan pinayagang manirahan sa delikadong lugar ang mga naging biktima.
“Kailangan naman talaga ay higpitan na natin, hindi na pwede yung… ‘kasi balik ho sila nang balik’ hindi na pwede yung ganoon,” sabi ni Valte.
Idinagdag nito ang pangangailangan na mahanapan ng bagong matitirahan ang mga maaapektuhang residente.
“Kailangan na lang talagang hanapan ng relocation at hindi pupuwedeng isang beses sasabihan na ‘Bawal kayo dito.’ Kailangan yan babantayan. Hindi puwedeng ngayon sasabihan n’yo silang ‘hindi ho kayo puwede dito’ tapos bukas kakalimutan na,” sabi pa ni Valte.
Kahapon ay tumulak na patungong Compostela Valley si National Disaster Risk Reduction Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos para personal na isuperbisa ang pagpapasara sa operasyon ng minahan at demolisyon sa mga kabahayan dito.
Ayon kay Ramos, mahigpit ang direktiba ni PNoy na lahat ng lugar na idineklarang ‘danger zone’ ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay hinto muna ang mining operations partikular na sa mga apektadong lugar sa Compostela Valley bunga ng nangyaring trahedya sa Sitio Diat 1 at Sitio Diat II sa Brgy. Napnapan.
“The areas was classified as danger zone prone to landslide by MGB na-detect na may crack na yung mountain dun, it’s declared as no man’s land,” ani Ramos.
Bukod sa Pantukan, kabilang rin ang mga bayan ng Diwata, Diwalwal, New Bataan, Monkayo, Maco at iba pa na naideklarang ‘danger zone’ o peligroso sa landslide.
Sinabi naman ni AFP-Eastern Mindanao Command spokesman Col. Leopoldo Galon na sa 28 narekober na bangkay, 23 dito ang natukoy na ang pagkakakilanlan habang lima pa ang inaalam ang mga pangalan.
Naitala naman sa 36 pa ang nawawalang residente sa lugar habang ang mahigit pa sa 100 na mistulang mga kabuteng nagsulputan sa ‘gold rush area’ ay pamilya ng mga minero.
Inihayag din ni Ramos na sisimulan na nila ang demolisyon ng mga kabahayan sa lugar kaugnay ng posible pang landslide.