GMA dinawit sa away sa Kamara

MANILA, Philippines - Lumalala ang banga­yan sa pagitan ng mga top brass ng minorya sa Kamara matapos deretsa­hang ituro ni House Minority Leader Edcel Lagman si Pampanga Rep. Gloria Arroyo na siyang may pakana umano sa planong pagsipa sa kanya sa puwesto.

Sinabi ni Lagman, si Quezon Rep. Danilo Suarez ang minamanok ni Arroyo kaya gusto siyang sipain sa puwesto.

Ayon kay Lagman, may nakakita umano kina Suarez, Reps. Amelia Villarosa at Martin Romualdez na nagpunta ang mga ito sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Miyerkules ng gabi.

Sabi ni Lagman, may mga balita na pinaaatras daw ni Arroyo ang mga sumusuporta sa kanya para huwag umanong pumirma para hindi na siya manatili bilang lider ng oposisyon sa Kamara.

Nakiusap naman si Suarez kay Lagman na huwag ng idamay pa si Arroyo sa kanilang bangayan.

Ayon kay Suarez, mas mainam pa kung bababa na lang si Lagman sa kanyang puwesto at igagalang ang napagkasunduan nilang term-sharing. (Butch Quejada/Gemma Garcia)

Show comments