MANILA, Philippines - Pinababawi ni Gabriela party list Rep.Emmi de Jesus kay Pangulong Noynoy Aquino ang permits na ibinigay sa malalaking mining at logging companies upang hindi na maulit ang naganap na trahedya sa Visayas at Mindanao matapos tamaan ng bagyong Sendong.
Ayon kay de Jesus, hindi na kailangan pang magbuo ang Pangulo ng isang fact-finding mission para madetermina kung sino ang dapat sisihin sa insidente kundi ang sarili nito dala na rin ng kawalang aksyon para protektahan ang kalikasan.
“This is a disaster waiting to happen because of large-scale mining and logging activities in the region,” sabi ni de Jesus.
Habang nangangailangan ng mabilis at agarang tulong at aksyon para sa mga nasalanta ng bagyo, dapat din umanong siguruhin na hindi na mauulit ang ganitong sitwasyon.
Pawang mga window dressing lamang ang mga programa ng gobyerno para sa flood control, environmental protection at natural resources conservation kapag patuloy naman ang operasyon ng large scale mining at logging sa bansa.
Sa kasalukuyan ay mayroong 54 Mineral Production Sharing Agreements (MPSA) sa Mindanao na sumasakop sa may 125,670 ektarya. Bukod pa ito sa mga MPSA sa Cagayan Valley, Central Luzon, Mindoro, Palawan, Davao region, Compostela Valley, Socsargen, at Zamboanga Peninsula.
Giit ng mambabatas dapat na managot ang administrasyong Aquino dahil sa pagkamatay ng daan-daang tao at pagkawala ng bahay ng mga ito sa Mindanao dahil sa pagbibigay nito ng pahintulot na mag-operate pa ang mga mining projects ni dating pangulong Gloria Arroyo.