MANILA, Philippines - Nagbanta ang mga rebeldeng komunista sa Mindanao na maglulunsad sila ng mga pag-atake sa Tampakan Gold-Copper Project ng Xtrata-Sagittarius Mines Inc. upang hindi na maulit ang pangyayari sa Cagayan de Oro City at Iligan City.
Sinabi ni Ka Efren, spokesman ng National Democratic Front-Far South Mindanao, ang sanhi ng malawakang pagbaha sa Cagayan de Oro at Iligan City ay dahil sa malawak na illegal logging at large scale mining na lubhang sumira sa kabundukan.
Naunang nagpahayag ng pangamba ang mga Obispo ng Kidapawan, Marbel at Digos sa posibleng idulot na panganib ng fresh water at tailings dams na itinatayo ng SMI sa Mal river catchment na nasa fault lines.
Wika pa ng NDF spokesman, makakalbo din ang kabundukan na sasakupin ng SMI project sa Tampakan, South Cotobato, Kiblawan, Davao del Sur, Columbio, Sultan Kudarat at Sarangani.
Aniya, madami ding mga katutubo tulad ng Lumad ang mawawalan ng tahanan dahil sa itatayong Tampakan Copper-Gold project ng SMI.
Winika pa ni Ka Efren, kahit umiiral ang SOMO ng military ngayong Kapaskuhan ay dumanas ng panggigipit ang mga katutubo, magsasaka at local community leaders mula sa militarisasyon na nagkukunwaring mga peace and development action ng AFP Sa Tampakan, Columbio sa Sultan Kudarat at Kiblawan sa Davao del Sur. Noong Oktubre ay pinarusahan ng kilusang komunista ang mga mining firms sa Surigao del Norte dahil sa pagsira sa kalikasan, ayon kay Jorge “Ka Oris” Madlos, NDF-Mindanao spokesman.