18 taong nakulong sa kasong bagansiya
MANILA, Philippines - Hindi sukat akalain ni Susan Zulueta na 18 taon niyang mami-miss ang mag-celebrate ng Kapaskuhan dahil lamang sa paglabag sa city ordinance 1638 na kilala bilang kasong “vagrancy” na may parusa lamang ng 30 araw na pagkabilanggo.
Hindi inaasahan ni Zulueta na daranasin niya ang ganoong klaseng kapalaran matapos siyang ma-detain noong Enero 12,1993 at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa siya nababasahan ng sakdal kaugnay sa kasong paglabag sa city ordinance 1638.
“Medyo masakit syempre hindi ko naman nagawa yun tapos makukulong ka ng pagkahaba-habang panahon,” ayon kay Zulueta.
Kasama si Zulueta sa maraming bilanggo na itinuturing na ‘over staying” na sa Manila City Jail (MCJ) at Manila Youth Reception Center, matapos ang isinagawang inspection ng Manila Regional Trial Court,sa pangunguna ni Executive Judge Marino de la Cruz.
Sa isinumiteng report sa Office of the Court Administrator at sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim, sinabi ni Judge de la Cruz na may mga bilanggo pa na katulad ni Zulueta ang nakadetine ng mas mahigit pa sa 10 taon sa MCJ dahil hindi pa nate-terminate ang kanilang mga kaso.
Sanhi nito, inatasan ni Lim ang City Legal Officers na gumawa ng kaukulang aksiyon para matulungan ang mga bilanggo na katulad ni Zulueta at iyong mga nasa edad 70 na nakadetine ng may 12 taon. ?Nalaman kay City Legal Officer Atty. Renato de la Cruz na karamihan ng kaso ng mga nakadetineng lalaking bilanggo ay murder, rape o drug related cases habang ang mga babaeng bilanggo naman ay drugs at estafa.
Sa tulong ni Lim ay nailabas sa kulungan si Zulueta at bilang pruweba ay ipinakita ni de la Cruz ang kopya ng release order mula kay Manila RTC Branch 12 Acting Presiding Judge Amalia Gumapos-Ricablanca.
- Latest
- Trending