Walang VIP treatment kay CGMA - Palasyo
MANILA, Philippines - Nanindigan ang Palasyo na walang ibibigay na ‘VIP treatment’ kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos na iutos ng korte na ikulong ito sa Veterans Memorial Medical Center.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang hirit na New Year’s furlough ng dating Pangulo ay nasa kamay ng korte at wala sa Malacañang.
Iginiit ni Usec. Valte, walang ‘VIP’ treatment na ibinibigay kay Pampanga Rep. Arroyo bukod sa isinaalang-alang lamang ang medical condition nito kaya pinayagan ng korte na makulong sa VMMC.
Samantala, nanawagan naman si Candaba Mayor Jerry Pelayo, pangulo ng Pampanga Mayor’s League, pati ang samahan ng senior citizens ng Pampanga, vice-mayor’s league ng Pampanga, mga konsehal at business sector sa korte na payagan si CGMA na makapag-Bagong Taon sa bahay nito sa Lubao, Pampanga.
Kabilang din sa petisyon ng mga Cabalen ni CGMA na payagan ng korte na ‘house arrest’ na lamang ang dating chief executive sa tahanan nito sa Lubao, Pampanga.
Ikinatwiran ni Mayor Pelayo na isang babae, matanda na at maysakit si CGMA kaya umaasa silang papayagan ng korte ang ‘house arrest’ nito sa kanilang ancestral house sa Lubao, Pampanga.
- Latest
- Trending