MANILA, Philippines - Inirekomenda na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang lifting o pagtatanggal ng ban sa pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa Nigeria.
Sa liham na ipinadala ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rodario kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, hiniling nito na epektibo sa Enero 1, 2012 ay maibalik na sa normal ang deployment ng manggagawang Pinoy sa Nigeria dahil na rin sa gumagandang sitwasyon sa Niger Delta.
Ayon kay del Rosario, sa ginawang pag-aaral ng DFA ay wala nang tensyon at nasa maayos na ang overall situation sa Nigeria.
“We have reviewed the overall security situation in Nigeria and have concluded that the insurgency in the Niger Delta has been properly addressed,” ani del Rosario sa liham kay Baldoz.
Bukod dito, tiniyak ni del Rosario na magiging ligtas na ang mga OFWs sa muling pagtungo at pagtatrabaho sa Nigeria dahil wala na ring insidente ng pagdukot o kidnappings.
“No more kidnapping incidents have occurred and Nigeria has become a vibrant democracy with a thriving economy. According to our ambassador in Nigeria, 5,000 jobs in the oil, gas and construction industries awaiting our OFWs in Nigeria,” ani del Rosario.
Ang deployment ban sa mga Pinoy sa Nigeria ay ipinatupad matapos ang magkakasunod na pagdukot sa mga tripulanteng Pinoy noong 2006 at 2009.
Sa tala ng DFA, may 7,240 Filipinos ang nasa Nigeria na karamihan ay mga professionals at nakapag-asawa ng mga Nigerians. Marami sa kanila ang nagpahayag na dapat ay maalis na ang deployment ban sa nasabing bansa.
Sa pakikipagpulong ni Ambassador Padalhin sa Nigerian officials, nabatid nito na malaki ang demand o pangangailangan ng Nigeria sa mga skilled Filipino workers para sa Nigerian industries.