MANILA, Philippines - Makikipag-ugnayan ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) kina Pasay City Regional Trial Court branch 112 Judge Jesus Mupas at sa kampo ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. upang kilalanin ang dalawang abogadong sinasabing nanghingi ng multi-milyong kotong kaugnay ng electoral sabotage na kaso na kinakaharap ng huli.
Sinabi ni IBP president Roan Libarios na pinakilos na niya ang kanyang mga abogadong staff para makipag-ugnayan kina Mupas at Abalos para tukuyin ang eksaktong pagkakakilanlan ng sinabing mga abogado na sina Atty’s. Jojo Desiderio at May Mercado.
Nais na makilala ng IBP kung may totoong mga abogado sa naturang mga pangalan kung saan kanilang padadalhan ng “summons” upang mapadalo sa kanilang isasagawang hearing sa Enero 13 para patawan ng disciplinary action na maaaring humantong sa pagkakatanggal ng kanilang lisensya.
Sa ganitong paraan umano, malilinis rin ng IBP ang kanilang hanay kung may mga abogado silang miyembro na gumagawa ng naturang mga iligal na aktibidad.
Hindi naman nagkomento si Atty. Libarios ukol sa ipinadalang regalo ni Atty. Ferdinand Topacio kay Judge Mupas. Matatandaan na ipinasauli ni Mupas ang regalo na ipinadala sa kanyang tanggapan na buhat umano kay Topacio.