Libreng text alert 'pag may kalamidad
MANILA, Philippines - Isinusulong ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang panukalang batas na nag-oobliga sa telecommunications service providers na magbigay ng libreng alert kapag mayroong bagyo o kalamidad.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino, naglalayon ang House Bill 5660 o ang “The Free Mobile Disaster Alerts Act” na mabigyan ng babala ang publiko kapag may parating na bagyo o kalamidad.
Ito’y dahil sa ang Pilipinas ay tinatamaan ng nasa 19 tropical cyclones o bagyo kada taon kung saan 6 hanggang 9 ang nagla-landfall o tumatama sa lupa.
Kabilang na dito ang pagtama sa Pilipinas ng bagyong Ondoy at Peping, may tatlong taon na ang nakalilipas, na nag-iwan ng daang katao na nasawi at nawawala, at libong pamilya ang nawalan ng tirahan at pangkabuhayan. Hindi rin dapat kaligtaan ang naganap na trahedya sa Ormoc, Leyte na ikinasawi ng halos walong libong katao nang biglang nagkaroon ng flash floods.
Sinabi ni Casino na ang pagdaan ng bagyo sa bansa ay hindi na bago dahil taon-taon na lamang itong nararanasan subalit hindi pa rin natututo ang pamahalaan.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan nang pagtulong ng mga mobile phone service provider o telecommunication company ay magagawa itong maiwasan.
Tuwing may darating na bagyo, tsunami o anumang kalamidad, magpapadala ng Mobile Disaster Alerts ang mga mobile phone service providers.
Kasama sa alerts ang up-to-date information mula sa kaukulang ahensiya at direktang ipapadala sa mga mobile phone subscribers na nasa loob o malapit sa apektadong lugar.
Sinabi pa ni Casiño na ang nasabing alert ay walang dagdag na gastos, direkta o di direktang ipinadala sa consumers at isasama bilang bahagi ng service providers auxiliary service. Maaarin ito ay sa porma ng SMS (text messages), MMS, o email.
- Latest
- Trending