MANILA, Philippines - Dapat isama sa P40 bilyong Conditional Cash Transfer program ang mga biktima ng bagyong Sendong na nangangailangan ng long-term na tulong para makabalik sa normal ang buhay ng mga ito.
“The best way to help victims get back on their feet is not through the one-time hand out of a bag of groceries but sustained assistance like what the CCT can offer,” sabi ni Aurora Rep. Sonny Angara.
Ayon kay Angara, kayang tanggapin ng P49.4 bilyong budget ng Department of Social Welfare and Development ang maidaragdag na tutulungan sa listahan nito.
Bukod sa P39.4 bilyong 4Ps, ang mga mga biktima ng bagyo ay maaari rin umanong matulungan ng DSWD sa Supplementary Feeding Program (P2.9 bilyon), at Social Pension for Indigent Filipino Senior Citizens (P1.3 bilyon).
Ngayong taon ang mga tinutulungan ng 4Ps ay 2.3 milyong pamilya at sa susunod na taon ay iaakyat ito sa P3 milyon.
Samantala, umapela si Caloocan City Mayor at League of Cities of the Philippines Chairman Enrico “Recom” Echiverri sa LCP na magbigay din ng tig-P1 milyong tulong sa mga probinsiya sa Mindanao at Kabisayaan na nasalanta ng bagyong Sendong.
Nagbigay ng P1 milyon si Mayor Echiverri bilang tulong galing sa pamahalaang lungsod ng Caloocan na kanyang hahatiin sa Cagayan de Oro City at Iligan City.
Sinabi pa ni Echiverri sa kanyang mga kapwa alkalde na sa halip na gumastos ang mga ito ng malaki para sa mga dadaluhang Christmas party ay magbigay na lamang ng tulong sa mga naging biktima ni Sendong.