MANILA, Philippines - Nangangamba si Sen. Franklin Drilon na walang kahihinatnan ang mga isinampang kaso laban kay dating Presidente at Pampanga Rep. Gloria Arroyo kapag si Chief Justice Renato Corona ang Punong Mahistrado.
Tinukoy ng Senador na sa score na 19-0, ang lahat ng naging desisyon ni Corona ay pabor sa mga kaso laban kay Mrs. Arroyo simula nang maitalaga siya ng dating Presidente sa Mataas na Hukuman noong 2002.
“Ang iskor ay 19-0. Kahit minsan hindi siya bumoto laban kay GMA,”ani Drilon sa isang pahayag.
Kabilang sa mga batayan ng kasong impeachment laban kay Corona ay ang “sobrang pagkiling” umano niya kay GMA. Ang naturang kaso ay iniharap na ng Kongreso sa Senado noong isang linggo laban sa punong mahistrado na dati na ring naging Chief Legal Counsel, Spokesman at Executive Secretary ni Mrs. Arroyo bago nagdesisyon ang huli na italaga siya sa SC.
Ipinatawag na rin ng Department of Justice (DOJ) si Mrs. Cristina Corona, asawa ni CJ Corona, upang magpaliwanag sa bintang na pagwawaldas ng pondo noong ito pa ang namumuno sa John Hay Management Corp. (JHMC), operator ng Camp John Hay sa Baguio City.
Sa rekord, mas nauna pa umanong nagkapuwesto sa gobyernong Arroyo si Mrs. Corona matapos ang ‘EDSA Dos’ na nagpatalsik kay dating Pang. Joseph ‘Erap’ Estrada noong 2001.
Si Mrs. Corona ay napuwesto sa JHMC noong Mayo 19, 2001, tatlong buwan matapos matanggal si Erap at bumaba lang sa puwesto noong Hulyo 10, 2010, dalawang buwan matapos masungkit ng kanyang asawa ang posisyon bilang pinakamataas na opisyal ng SC.
Batay pa rin sa rekord at reklamong inihain ni Frank Daytec, dating operations manager ng JHMC, maraming pagkakataon na ginamit umano ni Mrs. Corona ang pondo ng korporasyon upang tustusan ang bakasyon nilang mag-asawa sa Baguio Country Club (BCC).
Ayon pa rin sa mga kritiko, kahit noon pang 2002, sa kanyang pagkatalaga sa SC, ay hindi pinayuhan ni Corona ang kanyang misis na umalis na sa Camp John Hay sa isyu ng “conflict of interest.”
Ang ‘conjugal partnership’ ng mga Corona upang abusuhin ang kanilang mga posisyon sa gobyerno ni GMA ay isa rin sa mga reklamong kinakaharap ni CJ Corona sa kanyang impeachment sa Senado.