MANILA, Philippines - Aalisin na ang pagbibigay ng parole sa mga indibidwal na nahatulan dahil sa mga krimen na may kinalaman sa mga menor de edad.
Ito ay matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang pagbabawal sa pagbibigay ng parole sa sinuman na nahatulan sa krimen na ginawa nito na kinasasangkutan ng bata.
Layon ng House Bill 1215 na inihain ni Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato” Arroyo na maamyendahan ang Philippine Act 4103, na nagbibigay ng parole sa mga nahatulan ng ilang kaukulang krimen kung saan naisabatas ito noong December 5, 1933.
Sa panukala, tatanggalin na ang parole sa mga nahatulan ng krimen laban sa bata tulad ng “kidnapping; false imprisonment of a minor; solicitation of a minor to practice prostitution or any conduct that by its nature is a sexual offense against a minor, or production and distribution of child pornography.”