MANILA, Philippines - Dismayado ang ilang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa pag-iisnab ni Pangulo Aquino sa pormal na pag-upo ni Archbishop Antonio Tagle bilang bagong Arsobispo ng Archdiocese ng Manila noong Lunes.
Ayon kay dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo, bagama’t dumalo ang tatlong kapatid ni PNoy sa installation ni Arch. Tagle, hinahanap nila ang presensya ng Pangulo dahil ang pag-upo ng bagong Arhdiocese ng Maynila ay simbolo ng kooperasyon, unawaan at pagkakaisa sa pagitan ng gobyerno at Simbahang Katolika.
Nauna rito, kinondena ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang hindi pagdalo ng Pangulong Aquino sa installation ng bagong arsobispo ng Manila.
Ayon kay Archbishop Arguelles, dapat kinansela ng Pangulo ang pagdalo nito sa turnover ceremonies ng bagong AFP chief para makadalo sa makasaysayang installation ni Archbishop Tagle.