PNoy binuweltahan ni Corona
MANILA, Philippines - ?Binanatan ni impeached Chief Justice Renato Corona si Pangulong Benigno Aquino III na ngayon ay nagsisimula nang maging isang ‘diktador.’
Sa kanyang talumpati sa Supreme Court kahapon, sinabi ni Corona na pinakakalat ng administrasyon ang mga kasinungalingan laban sa kanya at sa hudikatura upang makontrol ang isa sa mga dapat sana’y independent na sangay ng pamahalaan.
Ayon kay Corona, personal ang galit sa kanya ni Aquino at nais na magtalaga ng ‘puppet chief justice.’
“Hindi kami magbibitiw sa aming katungkulan,” ani Corona sa kanyang mga taga suporta na nagsagawa ng court holiday sa Supreme Court grounds sa Padre Faura, Manila.
Binigyan diin ni Corona sa ginagawa ni PNoy, hindi malayong hawakan na nito ang Gabinete, Kongreso at Korte Suprema.
“Kung sakali man magtagumpay sila, ano sa palagay n’yo mangyayari? Simple lang: hawak na niya ang Gabinete, ang Kongreso at ang Korte Suprema,” dagdag pa ni Corona.
Tinawag din ni Corona ang kampanya ni Aquino na “baluktot na daang matuwid” at pinayuhan din si Aquino na dapat unahing solusyunan ang problema ng bayan.
Nilinaw naman ng Palasyo na si Corona lamang ang inaatake ng Malacañang dahil sa pagiging hindi patas nito sa kanyang mga desisyon at hindi buong institusyon ng Korte Suprema.
Wika ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi nararapat na tawaging diktador ni Corona si Aquino dahil batid ng chief executive kung ano ang ibig sabihin nito dahil naging biktima ang kanilang pamilya ng diktadurya.
Aniya, mas makakabuting magbakasyon muna si Corona at hintayin ang pagsisimula ng impeachment trial nito sa Senado at doon siya magpaliwanag. (Doris Franche/Rudy Andal)
- Latest
- Trending