MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng presidente ng isang shipping agency na talagang may warrants of arrest na inisyu ang Manila Regional Trial Court (RTC) laban sa dalawang Japanese national at limang Pilipino na kanyang inireklamo ng paglabag sa Anti-Dummy Law.
Ito’y taliwas sa press statement na ipinalabas nina Masaya Yorozu at Masahiko Tomita na pawang paninira lamang sa kanila at walang katotohanan na may mandamyento de aresto na inilabas ang Manila RTC laban sa kanila at lima pang Pilipino na pawang stockholders sa Sun Marino Shipping Inc. (SMSI) na isang shipping manning business.
Ayon kay Dionnie Guerrero, dating stockholder ng SMSI at presidente ng Amethyst Shipping Co., nag-isyu ng warrants of arrest si Manila RTC-Branch 45 Judge Marcelino L. Sayo, Jr. laban kina Yorozu, Tomita, Jose Melchor del Pilar, Charito Abalayan Rangel, Bernardo Gerardo, Aher Marino Kasala at Vivencio Tugano, Jr. na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 1 ng Anti-Dummy Law (Commonwealth Act No. 108) na inamyendahan ng C.A. No.473. Itinakda niya ang piyansang P30,000 sa bawat isa.
Batay sa court records, nakapaglagak na ng piyansa sina Tomita, del Pilar, Gerardo, Kasala at Tugano pero hindi pa nakapaglagak ng piyansa sina Yorozu at Rangel kaya’t ang dalawa ay at large pa.
Nauna rito, inakusahan ni Senior Assistant City Prosecutor Jovencio Senados ang pitong akusado na nagsabwatan upang makalahok sa recrutiment at placement ng mga manggagawa samantalang alam nila na tanging mga mamamayang Pilipino lamang ang pinagkakalooban ng batas na gumawa nito. Lumitaw sa imbestigasyon na may 80 porsiyentong share si Yorozu habang may 20% share si Tomita sa SMSI na labag sa batas samantalang pumayag naman ang limang Pilipino na ipagamit ang kanilang mga pangalan upang palitawin na sila ay may-ari ng 100 porsiyentong shares ng SMSI.