MANILA, Philippines - Dahil ilang araw na lang ay Pasko na, nabahala si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa posibleng pagdami ng krimen dulot ng mga gang partikular ang mga menor-de-edad na kabataan na tinatawag na “Batang Hamog” na nambibiktima ng mga motorista.
Inatasan na ni Robredo si PNP chief, Director General Nicanor Bartolome na aksyunan ang nasabing problema upang hindi na makapamerwisyo sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Direktiba ito ng kalihim matapos ang ulat na pagtaas ng krimen tulad ng bukas-kotse, panghoholdap at pambubugbog ng mga kabataan sa mga lansangan sa metropolis, partikular sa Guadalupe-Edsa.
Binigyan diin ng kalihim na nagiging malakas ang loob ng mga kabataang gumawa ng krimen dahil natatakasan naman nila ito at hindi nakakasuhan, kahit na gawin nila ito sa kasikatan ng araw.
Ginagamit umano ang mga kabatan ng mga sindikato dahil batid ng mga ito na hindi naman sila makakasuhan o kaya ay makukulong man lamang dahil sa ipinapatupad na batas para sa kanila.
Nauna nang ipinahayag ng DILG ang planong pagsusumite sa Kongreso ng isang proposed bill na humihiling ng amyendahan ang juvenile delinquency law, na nagbibigay ng karapatan sa mga kabataang nasa edad 15 pababa sa anumang criminal liability.