MANILA, Philippines - Nanguna ang pambato ng Pilipinas na si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa katatapos na halalan bilang judge sa International Criminal Court (ICC) na ginanap kamakalawa sa New York.
Sa report ng Philippine Permanent Mission to the United Nations sa New York sa Department of Foreign Affairs, si Santiago ang kauna-unahang babaeng judge sa buong developing state sa Asia na nahalal sa ICC matapos na lumabas ang resulta ng bilangan ng boto noong Disyembre 12.
Si Santiago ang nag-top sa unang round ng election na nakapagtala ng 79 boto mula sa 104 valid votes na nagpapakita umano na matinding suporta ang nakuha nito sa mga States Parties o mula sa iba’t ibang bansa.
Bago ka mahalal, kinakailangan makakuha ng two-thirds majority ng kabuuang numero ng votes cast.
Ipinagmalaki din na si Santiago ang unang nahalal mula sa may 18 kandidato na umaasam para sa 6 seats ng ICC.
“For the first round of voting, she (Santiago) bested candidates from every region,” anang DFA.
Bago ang halalan, apat na buwang nangampanya si Santiago sa tulong ng DFA na nanawagan pa sa bansa sa Asia at sa mga miyembro ng United Nations na suporthan ang kandidatura ng senadora.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, eksperto si Santiago sa international law at hindi rin matatawaran ang karanasan nito bilang isang trial court judge.
Sinabi ni del Rosario na natagpuan na ng Pilipinas ang tamang lugar sa ICC at ang pagkakakuha ng puwesto ni Santiago bilang judge sa ICC ay maituturing na tagumpay at maisasama sa kasaysayan.