Drilon suportado sa amyenda sa AMLA
MANILA, Philippines - Sinuportahan ng Anti-Money Laundering Council ang isinusulong na panukala ni Sen. Franklin Drilon na amyendahan ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) partikular ang pagpapahintulot na mabusisi ang mga bank accounts ng mga hinahabol ng gobyerno at tuluyan nang matanggal ang bank confidentiality law.
Sinabi ni AMLC Executive Director Vicente Aquino, mas magkakaroon ng ngipin ang AMLA kung “ex parte” ang gagawing bank inquiry na siyang isinusulong sa Senate Bill 3009 ni Sen Drilon. Sa pamamagitan ng ex parte bank inquiry ay hindi na kailangan na abisuhan pa ang isang tao na susuriin ang bank accounts nito at hindi na kailangan na magkaroon ng hearing upang idetermina kung may probable cause.
Taong 2001 nang ipatupad ang AMLA na ang tunay na layunin ay mahabol ang mga money launderer subalit nagbago ang tunay na pakay nito nang magkaroon ng desisyon ang Korte Suprema sa pamamagitan ni dating Associate Justice Dante Tinga noong 2008 sa kaso ng Republic vs Eugenio kung saan ibinasura nito ang petisyon ng AMLC na makapagsagawa ng inquiry sa mga bank deposits ng mga opisyal ng Philippine International Airport Terminal Corp. (PIATCO) gayundin ni dating Transportation Secretary Pantaleon Alvarez at dating DOTC undersecretaries Primitivo Cal at Wilfredo Rivera na mga nangasiwa sa bidding sa pagpapagawa ng NAIA Terminal 3.
Ikinatwiran ni Tinga na “de parte” o kailangan dumaan sa hearing ang determinasyon ng hukom kung may probable cause bago pa man maisagawa ng AMLC ang bank inquiry maliban lamang sa kaso ng kidnapping, paglabag sa Dangerous Drugs Act, hijacking at iba pang unlawful activities.
Sabi ng AMLC, malaking dagok sa kanilang kampanya ang naging desisyon ng SC kayat maraming kaso ng money laundering ang hirap itong mahabol dahil mabilis na nawiwithdraw lamang ang mga bank deposits.
- Latest
- Trending




















