576 Pinoy na nakakulong sa abroad saklolohan - solon

MANILA, Philippines - Hinimok ni Aurora Rep. Juan Edgardo M. Angara ang gobyerno na bigyan ng atensyon at saklolohan ang 576 Pilipino na nahaharap sa parusang kamatayan, nakapiit o nililitis dahil sa mga kaso ng ilegal drugs.

Sabi ni Angara, hindi dapat magkaroon ng tinatawag na “China only policy” sa pagbibigay ng legal na ayuda o paghingi ng pagpapatawad o clemency para sa mga Pilipinong nakapiit sa mga dayuhang bansa.

Ayon kay Angara, ang China ang nangunguna sa mga bansa na maraming Pilipino ang nakabilanggo na aabot sa 207 dahil sa pag-iingat ng ilegal na droga. May halos 400 na iba pang Pinoy sa 31 ibang bansa ang nahaharap sa katulad na sitwasyon.

Sumunod sa China ang Italy na may 76 Pilipinong nahaharap sa kasong ilegal na droga at ang Saudi Arabia na aabot sa 70 kaso.

“The fact that an increasing number of Filipinas are being caught in South America, where in some parts, cocaine trade is a major export industry, is a cause for alarm,” sabi ni Angara.

Show comments