'No return, no exchange' bawal din sa tiangge

MANILA, Philippines - Bawal din maging sa mga nagti-tiangge ang “no return no exchange policy” sa kanilang mga produkto ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Sinabi ni Trade and Industry Undersecretary Zenaida Maglaya na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang “no return no exchange” sa lahat ng uri ng pamilihan kasama na ang mga tiangge. Bawal rin umano ang “return within seven days” kung depektibo ang nabiling produkto.

Ipinaliwanag ng DTI na dapat sundin ang nakasaad sa warrant period ng isang produkto. Ang warranty ay ang kasunduan ng mamimili at nagtitinda na maaaring ibalik, isauli at ipakumpuni ang nabiling produkto kung matutuklasan na depektibo ito sa oras nang binili.

Kung walang warranty, nakasaad sa Consumers Act of the Philippines na binibigyan ng 60 araw ang isang mamimili upang ibalik ang nabiling produkto kung depektibo ito.

Ngunit nilinaw ng DTI na hindi maaaring basta na lamang ibalik ang isang produkto sa mga dahilang nagbago ng isip sa bibilhin, hindi kasukat ang nabili, o hindi gusto ang kulay.  Sa mga naturang pagkakataon, maaari naman umanong daanin na lamang sa pakiusapan.

Pinayuhan ng DTI ang mga mamimili na itabi ang resibo ng kanilang mga pinamili. Maging mga tiangge umano ay kinakailangan na mag-isyu ng resibo sa kanilang mga kustomer. Kung walang ibinibigay na resibo, maaaring gumawa ng kasulatan ng mga nabili at papirmahin ang tindera.

Kung may reklamo sa mga mapang-abusong negosyante ngayong Kapaskuhan, maaaring tumawag ang publiko sa DTI hotline number 751-3330.

Show comments