MANILA, Philippines - Panibagong kaso ng plunder ang isinampa kahapon laban kay Pampanga Rep. Gloria Arriyo sa tanggapan ng Ombudsman kaugnay ng paggamit umano ng intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa halalan noong 2010.
Bukod kay Arroyo, kinasuhan din ng PCSO si dating PCSO General Manager Rosario Uriarte, Asst. Gen. Manager for Finance BenignoAguas at dating PCSO board members Sergio Valencia, Manuel Morato, Raymon Roquero at Maria Fatima Valdez.
Kasama rin sa sinampahan ng kaso sina dating Commission on Audit (COA) Chairman Reynaldo Villar at COA Region 5 head Nilda Plaras.
Inakusahan ni PCSO Director Aleta Tolentino ang mga nabanggit na COA officials na nagsabwatan upang isagawa ang pagpapalabas ng pondong halos aabot sa P310 milyon.
Binanggit sa reklamo na walong beses na sinulatan ni Arroyo na noo’y presidente pa, si Uriarte upang mag-withdraw mula sa confidential funds.
Ang nasabing salapi ay nai-withdraw umano, sa unang anim na buwan ng 2010, na saklaw pa ng election year.