'Sentence swap' sa death penalty 'di uubra sa China
MANILA, Philippines - Hindi maaaring ipatupad ang “sentence swap” o pagpalit-sintensya sa pagitan ng dalawang bilanggo ng Pilipinas at China.
Ito’y kaugnay ng napipintong pagbitay sa 35-anyos na Pinoy na nahatulan ng bitay ng Supreme People’s Court ng China sa Disyembre 8 matapos makaraang magpuslit ito ng isa’t kalahating kilo ng heroin.
Sa programang Communication and News Exchange (CNEX) Forum sa Philippine Information Agency, sinabi ni DFA Spokesperson Raul Hernandez na wala pang nabuong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China na siyang nagtitibay para sa katuparan ng “Transfer of Sentenced Persons Agreement” o TSPA para sa mga Pilipinong nahatulan ng bitay sa kanilang bansa.
Ani Hernandez, tanging ang mga hatol na habambuhay na pagkabilanggo at fixed term sentence pa lamang ang saklaw ng binubuong TSPA, bunsod ng patuloy na usapan sa pagitan ng administrasyon ni Pangulong Aquino at Chinese government.
Gayunman, hindi pa rin daw nawawalan ng pag-asa ang pamahalaan na maibababa ang sentensya sa nahatulang drug mule.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may umiiral na TSPA sa mga pamahalaan ng Canada, Cuba, Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR), Spain at Thailand at naglalayong magbuo ng mga parehong kasunduan sa iba pang mga interisadong bansa.
- Latest
- Trending