MANILA, Philippines - Pinayuhan ni ZTE whistleblower Rodolfo” Jun” Lozada si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tigilan na nito ang pagsisinungaling at sa halip ay ilabas ang katotohanan.
Sa Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Lozada na ito na ang pagkakataon ni Gng. Arroyo upang magbalik-loob kung saan makapagpapagaan din ng kanyang saloobin.
Ayon kay Lozada, ang pagkakakulong ni Arroyo ay dapat na maging daan upang maranasan nito ang patas na trato sa kulungan na dinaranas ng mga ordinaryong bilanggo.
Wika niya, ang pagkakakulong ng dating pangulo ay indikasyon din na totoo ang kanyang ibinunyag na katiwalian.
Umaasa naman si Lozada na mabibigyan ng pansin ng adminis trasyong Aquino ang kanyang kaso at makabalik sa kanyang ordinaryong pamumuhay.
Hanggang sa ngayon, anya ay namumuhay siya sa “bangungot”.
Iginiit din ni Lozada na dapat mag-inhibit si Supreme Court Justice Antonio Corona sa kaso ni Arroyo kung mayroon pa itong delicadeza.
Hindi umano dapat na pairalin ni Corona at ng mga mahistrado ang utang na loob dahil ang judicial system ang binabatikos.