Bitay sa Pinoy tuloy!
MANILA, Philippines - Nabigo ang huling apela ng Pilipinas na mapigil ang nakatakdang pagbitay sa isang Pinoy sa Disyembre 8 matapos manindigan kahapon ang pamahalaang China na tuloy ang execution.
Ayon sa Office of the Vice President, hindi mabibigyan ng “commutation” ang 35-anyos na Pinoy na nakatakdang isalang sa bitayan sa pamamagitan ng lethal injection sa China sa Huwebes.
Una na ring nagpahayag ang Chinese Embassy na maninindigan ang China sa pagpapatupad nito ng kanilang batas lalo na ang mahigpit na kampanya nila sa drug trafficking.
Gayunman, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na tumatayo ring Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ Concerns na hindi pa rin sila nawawalan nang pag-asa na masagip ang bibitaying Pinoy.
“Hanggat hindi pa nangyayari ang pagbitay, hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Dagdagan pa natin ang dasal,” ani Binay
Ayon kay Binay, mula kahapon ay wala pa rin silang natatanggap na opisyal na komunikasyon mula sa Chinese Foreign Ministry hinggil sa kahilingan na makapunta siya sa Beijing upang makipag-usap sa mga top officials ng China at Chinese High People’s Court at iapela na mapababa sa habambuhay na pagkabilanggo ang hatol mula sa “death penalty without reprieve” na pinagtibay ng mataas na korte.
Sinabi ni Binay na ang Disyembre 8, kung saan itinakda ang bitay, ay Feast of the Immaculate Concepcion kaya umaasa siya na magkakaroon ng milagro sa araw na ito at makaligtas sa bitay ang Pinoy.
“Nagpapasalamat kami ni Pangulong Aquino sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at sa ating mga kababayan sa kanilang pagsuporta sa ating hiling na commutation,” ani Binay.
Nakatakda ring sumulat ang Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (EMCI) sa China upang hilingin na mapababa ang sentensya sa nasabing Pinoy.
- Latest
- Trending