GMA ilipat sa Veterans!
MANILA, Philippines - Inutos na ng Pasay City Regional Trial Court na ilipat si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Veteran’s Memorial Medical Center sa Quezon City sa darating na Martes.
Binigyan ni Pasay City Regional Trial Court branch 112 Judge Jesus Mupas ang kampo ni Arroyo ng limang araw upang ganap na makapaghanda sa kanilang paglipat sa VMMC.
“Considering the accused is under the custody of the law and it is difficult to justify if the accused will remain in a private hospital, the court decide(d) to transfer former President Arroyo to a government facility, particularly the VMMC,” ayon sa bahagi ng kautusan na binasa ni Pasay RTC branch 112 clerk of court Atty. Joel Pelicano.
Sinabi ni Pelicano na napili nila ang VMMC sa mga ininspeksyon na pasilidad dahil ito ang nakita nilang pinaka-maginhawa para sa pasyente tulad ni Arroyo na dating Pangulo ng bansa bukod pa sa seguridad nito.
Ookupahin nito ang “presidential suite” ng naturang pagamutan na dati ring inokupa ni dating Pangulong Joseph Estrada nang itoy makulong sa kasong plunder noong 2001 at mararanasan rin ang parehong pagtrato nang isailalim rin ito sa hospital arrest bago pinayagan ng korte na maisailalim sa “rest house arrest”.
Isinasailalim na sa renobasyon ang presidential suite ng VMMC at inaasahang matatapos ngayong Biyernes. Idinagdag ni Pelicano, maaaring magdala ng kanyang personal na doktor at nurse si Arroyo sa paglipat nito sa VMMC.
- Latest
- Trending