MANILA, Philippines - Tumaas sa 109 ang kaso ng Influenza A(H1N1) sa National Capital Region (NCR) ngayong taon.
Sinabi ni Department of Health Center for Health-Development Metro Manila Regional Director Eduardo C. Janairo na umaabot sa 109 laboratory confirmed A(H1N1) cases ang kanilang naitala sa NCR mula Enero 1 hanggang Nobyembre 5, 2011. Wala namang iniulat na namatay sa sakit.
Ang Muntinlupa City ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso na umabot sa 83 habang nakapagtala rin ng A(H1N1) cases sa Valenzuela (5), Pasig (5), Parañaque (4), Makati (2), Malabon (2), Taguig (2), Mandaluyong (1), Marikina (1), Pasay (1) at Quezon City (1).
Karamihan sa mga kinapitan ng sakit ay mga lalaki at kabilang sa 1-4 year old age group.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Janairo ang mga residente na panatilihing malusog ang kanilang mga katawan at malakas ang kanilang immune system upang matiyak na hindi sila mahahawahan ng influenza virus.
Pinayuhan din ni Janairo ang publiko sa mga matataong lugar upang makaiwas sa virus na madaling makuha dahil air-borne ang mga ito.
Noong 2009, matatandaang nagdulot ng pangamba sa buong mundo ang A(H1N1) dahil sa mabilis na pagkalat at pagkamatay ng maraming dinapuan ng sakit.
Nagdeklara ng influenza pandemic ang World Health Organization (WHO) sa buong mundo dahil sa sakit na unang tinawag na ‘swine flu virus’, bunsod nang kawalan nito ng lunas.