Imus mayor umaasa sa 'parehas' na trato ng Comelec

MANILA, Philippines - Walang balak bumaba bilang alkalde si Imus, Cavite Mayor Homer Saquilayan at umaasang sa Commission on Elections (Comelec) siya makakukuha ng ‘hustisya’ matapos muling diinan ng Imus Regional Trial Court ang nauna nitong desisyon na patalsikin siya sa puwesto.

“Mayroon pa akong 20 araw para umapela sa Comelec at malaki naman ang aming paniwala na dito ay magkakaroon kami ng hustisya sa liderato ni Chairman Sixto Brillantes,” pahayag ni Saquilayan sa media.

Noong Lunes, muling nagbaba ng desisyon si Branch 22 trial judge, Cesar Mangrobang kung saan sinabi nitong ang “tunay” na nanalo noong nakaraang halalan ay si Emmanuel Maliksi. Una nang pinaboran ni Mangrobang ang reklamo ni Maliksi sa isang desisyon na inilabas nito noong nakaraang Nobyembre 15.

Subalit, matagal nang nagrereklamo ang kampo ni Saquilayan laban kay Mangrobang na umano’y “halatang-halata” ang pagpanig kay Maliksi.

Anila, binasura lang umano ni Mangrobang ang mga “ebidensiya” ng pandaraya at “tampering” sa mga balota at ballot boxes na ginamit sa halalan sa Imus.

Bunga nito, “nalusaw” ang kalamangan na 8,499 boto ni Saquilayan kaya Maliksi at dineklara ni Ma­ng­robang ang panalo ng huli sa bilang na 665 boto laban sa una, matapos “madiskubre” ang 8,387 “stray votes” kung saan dalawang pangalan ang naiboto sa posisyon ng mayor.

“Ang hiling lang namin, magdesisyon agad ang Comelec, whether for or against me so we can elevate the case up to the Supreme Court, if need be,” banggit pa ng alkalde. “Matibay ang paniniwala namin sa pagiging parehas ni Chairman Brillantes.”

Ayon naman kay Rep. Jesus Crispin Remulla, kapartido ni Saquilayan sa Nacionalista Party, “duda” sila sa integridad ni Comelec Second Division chair, Comm. Lucenito Tagle na siyang may hawak ng protesta.

“Comm. Tagle was the same (Imus) trial judge who ruled against Mayor Saquilayan the first time that Mayor Saquilayan got ‘beaten’ not in the elections but in the poll protest three elections ago.

Kasabay nito, umapela rin si Remulla kay Brillantes na ilipat ng dibisyon ang protesta upang mawala ang agam-agam ng publiko na muling “maluluto” ang resulta ng kaso.

Show comments