Kulungan ni CGMA ininspeksyon ng korte
MANILA, Philippines - Nagsagawa ng inspeksyon kahapon ang mga opisyales at tauhan ng Pasay City Regional Trial Court sa mga posibleng maging kulungan ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ngunit hindi nakapasok sa V.Luna General Hospital dahil sa kawalan umano ng koordinasyon.
Unang tinungo ni RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas ang inihandang detention facility ng Southern Police District (SPD) sa Fort Bonifacio dakong alas-11:40 ng hapon. Tinignan nito ang kundisyon ng pasilidad, mga kagamitan at amenidad kung sapat ito para sa kondisyon ni dating Pangulong Arroyo.
Hinarang naman ng mga security guard ng V. Luna General Hospital sa Quezon City ang grupo ni Mupas at hindi pinapasok sa loob ng gusali dahil sa kawalang koordinasyon. Sa parking lot lamang ng pagamutan nakarating si Mupas at umalis na rin agad makaraan lamang ang 15 minuto.
Kasunod namang ininspeksyon ang Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) kung saan dating nakulong din si dating Pangulong Joseph Estrada matapos mahatulan sa kasong plunder. Pinapasok naman si Judge Mupas ng administrador ng ospital na si Dolores Geronimo.
Nabatid na maaaring pagpilitan ng kampo ni Arroyo ang “presidential suite” ng pagamutan na bullet proof umano at kumpleto sa mga kagamitan. Maaari ring kunin nito ang ikalawa nilang kuwarto na DND suite na kumpleto rin sa mga kagamitan ngunit hindi singlaki ng presidential suite. Inaasahan na bibisitahin din ni Mupas ang Philippine Orthopedic Center na espesyalista ang mga doctor sa sakit sa buto.
Ngunit nilinaw ni Atty. Joel Pelicano, clerk of court, na hindi nangangahulugan na nakapagdesisyon na ang korte kung saan madiditine si Arroyo. Kanila pa umanong pag-aaralan ang mga opsyon kung ano ang pinakaangkop na pagdalhan sa dating Pangulo ng bansa.
- Latest
- Trending