GMA ikalaboso na!
MANILA, Philippines - Inirekomenda ng joint Department of Justice-Commission on Elections (DOJ-Comelec) panel sa Pasay Regional Trial Court na ikulong na si dating Pangulong Gloria Arroyo sa isang detention facility matapos siguruhin ng kanyang mga doktor na bumuti na ang kalusugan nito at maaari ng tratuhin bilang “out-patient”.
Giit ni de Lima, maituturing na “special treatment” kung papayagan na ma-house arrest si Arroyo kaugnay ng kasong electoral sabotage na nakabinbin ngayon sa Pasay court.
Sinabi naman ni Comelec Chairman Sixto Brilliantes na hindi na dapat pang humiling ng house arrest ang kampo ng dating pangulo kung bumubuti na ang kondisyon ito.
Ani Brillantes, walang kontrol ang korte kapag ang isang akusado ay nasa pribadong ospital o kaya naman ay naka-house arrest.
Gayunman, sinabi ni de Lima na nasa kamay pa rin ni Pasay RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas ang desisyon kung dapat nang ilipat sa kulungan si Arroyo.
Una rito, umapela ang kampo ni Arroyo sa korte at hiniling na ilagay sa ‘house arrest’ ang dating lider kaysa ilipat ito sa inihandang detention facility sa Southern Police District (SPD).
Handa naman umano ang kampo ni Arroyo na tumalima sa magiging desisyon ng korte kung saan dapat mapiit ang dating Pangulo. Kung sa detention center ito dadalhin, sinabi ni Atty. Raul Lambino, legal spokesman ni Arroyo, dapat na mabigyan sila ng sapat na panahon para makapaghakot at masuri ang pasilidad.
Ipauubaya naman ni Pangulong Aquino ang desisyon kung saan nararapat na manatili si Arroyo dahil nasa hukuman na ang kaso.
Ayon sa Pangulo, hindi ang executive ang magdedetermina kung saan dapat manatili o makulong si Mrs. Arroyo kundi ang korte.
Kahapon ay humarap sa pagdinig sa sala ni Judge Jesus Mupas ng RTC branch 112 ang mga doctor ni Arroyo na sina Drs. Juliet Gopez-Cervantes, Mario Ver at Roberto Mirasol.
Iginiit ng mga tagausig sa panig ng prosekusyon sa pangunguna ni Atty. Maria Juana Vaneza, hepe ng Comelec Investigation and Prosecution Division na ilipat na lamang si Arroyo sa pagamutang pinatatakbo ng pamahalaan tulad ng National Orthopedic Medical Center upang mabantayan ang kanyang kundisyon.
Sa huli, pumayag ang kampo ng depensa na sumalang sa witness stand si Dr. Ver, spine surgeon, na nagkumpirma na “medically fit” na ang kanyang pasyente at maaari na ring lumabas ng pagamutan anumang oras.
Hindi na isinalang pa sina Cervantes at Mirasol nang harangin na ng depensa at sinabing sapat na ang testimonya ni Dr. Ver. Agad namang iniurong ni Atty. Vaneza ang hirit na sa Orthopedic Hospital idetine si Arroyo ngunit sa inihandang detention center ng SPD.
Inatasan naman ni Judge Mupas ang magkabilang panig na isumite ang kanilang pormal na kahilingan sa korte pati na rin ang komento sa kani-kanilang mosyon hanggang sa araw ng Martes bago magpalabas ng resolusyon kung saan madedetine ang dating Pangulo. Habang hinihintay ito, mananatili si Arroyo sa St. Luke’s Medical Center.
- Latest
- Trending