MANILA, Philippines - Aabot sa 10,000 mga mahihirap na tahanan sa mga slum areas sa Metro Manila ang iilawan ng ‘solar bottle bulbs’ kaugnay ng “Isang Botelyang Liwanag Project” na ilulunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pakikipagtulungan ng mga volunteer organization. Ayon kay Lt. Col. Samuel Sagun, Group Commander ng 7th Civil Relations Group sa pamamagitan ng nasabing proyekto ay hindi na babalutin pa ng kadiliman ang mga kabahayang squatter sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila na dahil sa hirap ng buhay ay hindi kayang magpakabit ng kuryente.
Ang “Isang Botelyang Liwanang Project” ay ilulunsad ng Joint Task Force (JTF) Civil Military Operations ng AFP National Capital Region Command sa pakikipagtulungan ng Rotary International District (RID) at My Shelter Foundation (MSF) sa darating na Nobyembre 30 sa Pinaglabanan, San Juan City bilang pilot test ng proyekto.
Nabatid na ang ‘solar bottle bulb’ ay orihinal na imbensiyon ng isang Mang Demy ng San Pedro, Laguna na nagawang ilawan ang may 5,000 kabahayang mahihirap sa kanilang komunidad. Ang sample ng imbensyon ni Mang Demy ay kumalat sa you tube video na umabot na rin at hinangaan maging sa international community.