MANILA, Philippines - Kinikilala ngayon (Nobyembre 24) ng lungsod ng Olongapo ang sakripisyo at kabayanihang ipinakita ng mga Subic Freeport volunteers 19 taon mula ng lisanin ng mga Amerikano ang base militar nila rito.
Ang paggunita ay pangungunahan nina Mayor James “Bong” Gordon, Jr. at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Roberto Reyes para sa pasasalamat sa Volunteers’ Shrine sa Subic Bay Freeport kung saan nakaukit ang mga pangalan ng may 8,000 volunteers na matiyagang nagbantay at nangalaga sa mga pasilidad na iniwan ng mga Amerikano.
Sabi ni Mayor Gordon, hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng mga residente at dating base workers sa matagumpay na transpormasyon ng Subic bilang pangunahing free port sa bansa.
Aniya, hinangaan sa buong mundo ang sakripisyo at malasakit ng mga ito sa kanilang bayan at pinatunayan na kayang tumayo ng mga Pilipino sa sarili nilang paa matapos na ibasura ng Senado ang bases treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na nagbunsod ng US bases pullout nuong 1992.
Nagpursige ang mga volunteers sa pamumuno ni dating Senador Richard Gordon upang maisabatas ang pag-develop sa Subic bilang isang Freeport at sila’y nagtagumpay ng ipinasa ng Kongreso ang Republic Act 7227 o Bases Conversion Law.