Nominasyon ng Phl Amb. sa China butata sa CA, pinababawi kay PNoy

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Senator Serge Osmeña kay Pangulong Aquino na bawiin nito ang nominasyon ni Philippine ambassador to China Domingo Lee na inil­agay  lamang umano sa puwesto dahil kaibigan ng mga Aquino at naging malapit kay dating Senator Benigno­ “Ninoy” Aquino Jr., ama ng presidente.

Ayon kay Osmeña, lumalabas na mas pina­ha­lagahan ng Pangulo ang personal friendship kay Lee kaysa sa interes ng bansa.

Nabigo kahapon si Lee na makapasa sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ma­­tapos itong igisa ng mga senador.

Ayon kay Osmeña, dapat magpadala ng totoong diplomat ang Pilipinas sa China lalo pa’t itinuturing na ngayon ang nasabing bansa na isa sa makapangyarihan sa mundo. Kabilang sa mga itinanong ni Osmeña kay Lee ay kung alam nito ang ibig sabihin ng mga salitang “diplomacy,” at  “hard power”.

Hindi kumbinsido si Osmeña sa mga naging sagot ni Lee kaya kinailangan pang ipaliwanag ng senador ang totoong kahulugan ng salitang “diplomacy”.

Ayon pa kay Osmeña, ang kawalan ng training ni Lee bilang isang ambassador ay makakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at ng China.

“When we met about two months ago, I did ask you to study a lot because my concern was that your lack of experience, your lack of training would be a set back to the Filipino people if you are going to be sent to Beijing,” sabi ni Osmeña.

Hindi n’ya pinagdu­dudahan ang katapatan ni Lee pero dapat pa rin umanong manaig ang interes ng bansa kaysa sa personal na pagkakaibigan.

Show comments