MANILA, Philippines - Pineke umano ang mugshots ni dating Pangulong Gloria Arroyo na lumabas sa isang broadsheet at kumakalat ngayon sa internet.
“Let me state for the record that the published pictures are not the authentic mugshot photos of Rep. Arroyo taken during the mandatory booking procedure last Saturday that were submitted to the RTC Branch 112 of Pasay City on Monday,” paglilinaw ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome.
Inutusan na ni Bartolome ang mga arresting officers at police custodians na tiyakin na tanging ang Presiding Judge ng RTC Branch 112 ng Pasay City at mga kinatawan nito ang dapat magkaroon ng access sa booking sheets, mugshots at fingerprints cards ni Rep. Arroyo.
Base sa lumabas sa internet, makikita na ang booking numbers umano sa ilalim ng published photos ay pawang ‘photo-shopped’ kung saan nakalagay ang: CONG GLORIA MACAPAGAL –ARROYO at CRIM CASE # R-PSY-11-04432-CR habang sa lehitimong mugshot ay dapat na: GLORIA ARROYO Y MACAPAGAL at CC NR-PSY-11-04432.
Ang kanyang mugshots ay kinunan sa loob ng kanyang hospital bed sa St. Luke’s hospital kung saan siya naka-confine simula nitong nakaraang Martes.
Sinabi ng Pasay City RTC na ang mugshots ni Arroyo ay hindi mailalabas hanggang hindi napagkakasunduan ng prosecution at defense panels. Ang mugshots ay itinuturing na pag-aari ng pulisya at hindi ng publiko.
Samantala, sinasabing sinabon si acting Southern Police District Director Sr. Supt. James Bucayu sanhi ng hindi awtorisado nitong pahayag sa media na orihinal ang naturang mugshot na hindi naman nito nakita ng personal na kunan. (Joy Cantos/Ricky Tulipat/Rudy Andal)