MANILA, Philippines - Taliwas sa inaasahan, naging malamig ang pagsalubong ng mga kongresista at mga empleyado sa Kamara kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao dahil halos hindi naramdaman ang pagdating ng pambansang kamao sa plenary hall ng House of Representatives kahapon.
Tila nagmamakaawa pa si Deputy Speaker Raul Daza nang magsalita ito at sabihing dapat na parangalan ang kasamahan nilang kongresista dahil sa pagkakapanalo nito sa kontrobersyal na laban kay Juan Manuel Marquez sa Las Vegas, Nevada.
Binasa pa ni Daza ang score card ng Pacquiao-Marquez fight sa plenaryo na nagpapatunay na majority decision at hindi close fight ang nasabing laban.
Tumayo din sa plenaryo si Manila 5th district Rep. Amado Bagatsing upang ipagtanggol si Pacquiao sa pagsabing bakit ang mga Mehikano gustong ipapanalo si Marquez kahit talo ito gayung si Pacquiao ay panalo subalit gustong ipatalo ng mga Filipino.
Wala namang kibo si Pacquiao at tahimik na nakikinig habang ipinagtatanggol ng kanyang mga kapwa kongresista.